Bus na biyaheng Pilar, sumalpok sa bahay sa Sorsogon; 1 pasahero, sugatan
Oct 29, 2026, 5:23 PM

Bus na biyaheng Pilar, sumalpok sa bahay sa Sorsogon; 1 pasahero, sugatan
PILAR, SORSOGON — Isang pasahero ang nagtamo ng bahagyang sugat matapos sumalpok ang isang pampasaherong bus sa isang bahay sa Purok Santa Teresita, Barangay Putiao, sa bayang ito, nitong Miyerkules ng umaga, Oktubre 28.
Nangyari ang insidente pasado alas-sais ng umaga habang bumabagtas ang bus patungong Pilar. Ayon kay Punong Barangay Naro L. Lubiano, nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber dahil sa madulas na kalsada dulot ng patuloy na pag-ulan sa lugar.
Agad namang isinugod sa ospital ang nasugatang pasahero upang malapatan ng paunang lunas.
Binigyang-diin din ng kapitan na ito na ang ikatlong pagkakataon na may nangyaring kaparehong aksidente sa nasabing bahagi ng kalsada.
Dahil dito, muling nagpaalala ang mga awtoridad at lokal na opisyal sa mga drayber at motorista na mag-ingat at magdahan-dahan sa pagmamaneho, lalo na kapag basa at madulas ang daan.
View original post