LOLO, PATAY SA SUNOG SA PILAR, SORSOGON
Oct 15, 2026, 9:02 PM

LOLO, PATAY SA SUNOG SA PILAR, SORSOGON
Nasawi ang isang 74-anyos na lolong biyudo matapos tupukin ng apoy ang kaniyang bahay sa Purok 6, Sitio Mabical, Barangay Dapdap, Pilar, Sorsogon, nitong madaling-araw ng Oktubre 13, 2026.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Pilar Municipal Police Station, sumiklab ang apoy bandang 1:30 ng madaling-araw. Tuluyan naman itong naapula ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) pagsapit ng 3:25 ng umaga.
Sa salaysay ng apo ng biktima, napansin niyang nasusunog ang bahay ng kaniyang lolo kaya agad niyang ginising ang kaniyang ina upang saklolohan ito. Pagdating nila sa pintuan, nakita pa nilang nagtatangkang makalabas ang biktima ngunit hindi na nila ito nailigtas dahil sa tindi at laki ng apoy.
Hinala ng mga awtoridad, posibleng pinagmulan ng sunog ang sinindihang tuyong dumi ng hayop na ginagamit umano ng biktima bilang panlaban sa lamok. Patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente.
(Source: Sorsogon PPO)
#PilarSorsogon #SorsogonNews #FireIncident #BicolNews #BFP
View original post