2 DAYONG SHOPLIFTER MULA MALABON, ARESTADO SA SORSOGON CITY

Sep 24, 2026, 8:29 PM

2 DAYONG SHOPLIFTER MULA MALABON, ARESTADO SA SORSOGON CITY SORSOGON CITY – Kulungan ang binagsakan ng dalawang dayong shoplifter matapos silang mahuli sa aktong nagnanakaw ng iba't ibang paninda sa loob ng isang malaking mall sa lungsod. Kinilala ang mga suspek na sina alyas "Maria," 38-anyos, at alyas "Bea," 40-anyos, kapwa residente ng Block 3, Letre Tonsuya, Malabon City. Pinaniniwalaang miyembro ang dalawa ng isang sindikato ng mga shoplifter na dumadayo pa sa iba't ibang probinsya. Batay sa inisyal na ulat, nagsimula ang insidente nang mapansin ng isang civilian security guard sa pamamagitan ng CCTV ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek. Agad silang binantayan at nakitang inililipat ng dalawa ang mga paninda mula sa isang asul na basket papunta sa kanilang dalang ecobag habang nasa Aisle 14. Nang tangkain nilang lumabas ng supermarket, hinarang sila ng mga naka-duty na guwardiya upang hingan ng resibo, ngunit nabigo ang dalawang suspek na magpakita ng anumang katibayan ng pagbabayad. Aabot sa ₱4,496.25 ang kabuuang halaga ng mga narekober na gamit. Kabilang sa mga tinangkang itakas ay isang pack ng damit-panloob, toyo, cotton buds, wallet, detergent powder, at iba't ibang skin care products tulad ng mga lotion at serum. Agad na itinurn-over ng pamunuan ng mall ang mga suspek sa Sorsogon City Police Station (CPS) para sa pormal na pagsasampa ng kaukulang kaso. #SorsogonCity #BicolNews #ShoplifterArestado #CrimeReportPH #SorsogonPolice
View original post