CBSUA-Pili, nagpatupad ng online classes dahil sa masangsang na amoy mula sa poultry plant
Aug 26, 2026, 11:53 AM

CBSUA-Pili, nagpatupad ng online classes dahil sa masangsang na amoy mula sa poultry plant
PILI, CAMARINES SUR — Pansamantalang sinuspinde ang face-to-face classes sa Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) - Pili Campus matapos balutin ng nakasusulasok na amoy ang buong pamantasan.
Ayon kay Dr. Allan Del Rosario, Campus Administrator ng CBSUA-Pili, natukoy nang nagmumula ang masangsang na amoy sa isang poultry processing plant na matatagpuan sa kalapit na barangay ng Sagurong, Pili.
Upang maprotektahan ang kapakanan ng mga mag-aaral at guro, inilabas kahapon, Agosto 25, ang Memorandum No. 08-102, series of 2026. Ipinag-utos nito ang agarang paglipat ng unibersidad sa online o asynchronous learning modality habang nananatili ang banta sa hangin at kalusugan.
Samantala, nilinaw sa memorandum na maaari namang magpatuloy ang onsite operations para sa mga opisina at departamentong may mga air-conditioning unit, depende sa tindi ng amoy sa kanilang partikular na lugar.
Tiniyak naman ng administrasyon ng CBSUA na kasalukuyan na silang gumagawa ng hakbang at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang agad na maaksyunan ang perwisyong dulot ng nasabing planta.
View original post