Mga Paaralan sa Goa, Ligtas sa Kumalat na Bomb Threat

Aug 22, 2026, 11:08 AM

Mga Paaralan sa Goa, Ligtas sa Kumalat na Bomb Threat Tiniyak ni Mayor Raquel S. Lim na mabilis na inaksyunan ng Goa Police ang kumalat na banta ng pagpapasabog o "bomb threat" sa mga paaralan ng bayan na nagmula sa isang dummy Facebook account. Ayon sa alkalde, agad na naglatag ng seguridad ang kapulisan sa pangunguna ni ACOP PCPT Jason Max F. Barcenas bago pa man tuluyang kumalat ang banta sa social media. Nanawagan siya sa mga mamamayan na manatiling kalmado, maging mapagmasid, at direktang i-report sa mga pulis ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa halip na i-share ang post upang hindi na lumikha ng takot sa publiko. Nagbabala rin si Mayor Lim na isang seryosong krimen na may katumbas na pagkakulong ang pagpapakalat ng bomb threat. Mahigpit niyang pinaalalahanan ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak sa paggamit ng social media upang hindi masangkot sa mga ganitong uri ng pananakot. Nakatakda namang maglabas ang mga awtoridad ng pormal na press release para sa karagdagang detalye.
View original post