Labi ng Bicolanong Marino na Nasawi sa Drone Attack sa Black Sea, Naiuwi na sa Camarines Sur
Aug 16, 2026, 3:04 PM

Labi ng Bicolanong Marino na Nasawi sa Drone Attack sa Black Sea, Naiuwi na sa Camarines Sur
DARAGA, ALBAY — Naiuwi na sa Bicol Region noong Agosto 14 ang labi ng isang Bicolanong marino na nasawi matapos atakihin ng drone ang kaniyang sinasakyang barko na MV Gas Lisbon sa Black Sea.
Dumating ang kaniyang labi mula sa Romania sa Bicol International Airport (BIA) sa Daraga, Albay. Sinalubong at inalalayan ng mga kawani ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Bicol at Department of Migrant Workers (DMW) Bicol ang nagdadalamhating pamilya ng nasawi.
Matapos ang pagdating, dinala ang labi sa Legazpi City para sa cremation bago ito tuluyang ihatid sa kanilang tahanan sa bayan ng Caramoan, Camarines Sur.
Dahil isang aktibong miyembro ng OWWA ang yumaong seafarer, kinumpirma ng ahensya na makatatanggap ang kaniyang pamilya ng mga sumusunod na benepisyo at tulong pinansyal:
Death and Burial Benefits: ₱220,000
Livelihood Assistance: ₱15,000
Educational Assistance: Para sa isa sa mga anak ng nasawi
Tiniyak naman ng mga kinauukulang ahensya ang patuloy na pag-alalay sa pamilya sa kabila ng pag-uwi ng labi. Nauna nang ipinaabot ng OWWA Bicol ang kanilang taos-pusong pakikiramay sa mga naiwang mahal sa buhay ng magiting na marino.
(Photo courtesy: OWWA Bicol)
View original post