LALAKI MULA IRIGA, ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA NABUA
Aug 15, 2026, 11:37 AM

LALAKI MULA IRIGA, ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA NABUA
NABUA, CAMARINES SUR — Tiklo ang isang 40-anyos na lalaki mula sa Iriga City matapos makumpiskahan ng iligal na droga sa ikinasang buy-bust operation ng Nabua Municipal Police Station (MPS) kahapon ng madaling araw, Agosto 14, 2026.
Nadakip ang suspek, na itinuturing na isang Newly Identified Street Level Individual (SLI), bandang 5:00 ng umaga sa Brgy. San Jose matapos pagbentahan ang isang poseur-buyer ng isang sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng ₱500.
Sa isinagawang body search, nakuha pa sa suspek ang isang coin purse na naglalaman ng walo (8) pang sachet ng hinihinalang droga. Sa kabuuan, aabot sa 5.4 gramo ang nakumpiskang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱13,872.00.
Ginawa ang imbentaryo sa mismong lugar ng insidente sa presensya ng suspek at mga saksi. Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Nabua MPS ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
View original post