BATANG NAKAGAT NG ASO SA GENSAN, PUMANAW SA RABIES KAHIT NABAKUNAHAN

Aug 15, 2026, 8:31 AM

BATANG NAKAGAT NG ASO SA GENSAN, PUMANAW SA RABIES KAHIT NABAKUNAHAN GENERAL SANTOS CITY — Pumanaw ang isang apat na taong gulang na bata dahil sa pinaghihinalaang rabies noong Agosto 7, halos isang buwan matapos lapain ng asong-gala ang kaniyang mukha at tainga sa Barangay Sinawal. Nangyari ang insidente noong gabi ng Hulyo 9, kung saan agad dinala sa emergency room ang bata upang linisin at tahiin ang mga sugat, bago binigyan ng anti-tetanus vaccine. Kinabukasan, natanggap niya ang unang dose ng anti-rabies vaccine at umabot hanggang ikatlong dose noong Hulyo 17. Ngunit pagsapit ng Agosto 6, nakitaan na ang biktima ng pananakit ng tiyan at matinding takot sa tubig at hangin, hanggang sa tuluyang bawian ng buhay bago pa man naturukan ng ikaapat na dose. Ikinalungkot at kinuwestiyon ng pamilya kung bakit kinabukasan pa itinurok ang unang anti-rabies vaccine sa halip na isinabay nang gamutin ang bata noong gabi ng aksidente. Nilinaw naman ni Dr. Ryan Oscar Aplicador, hepe ng Dr. Jeorge P. Royeca City Hospital, na nasunod ang medikal na protocol at naibigay ang bakuna sa loob ng katanggap-tanggap na oras. Aniya, sadyang mapanganib ang kategorya ng kagat (Category 3) dahil masyado itong malapit sa ulo at utak ng bata, kaya mabilis kumalat ang virus. Sa ngayon, tinutugis na ng City Veterinary Office ang asong-gala habang nagsagawa na rin ng pagbabakuna sa mga alagang hayop sa barangay upang maiwasan ang panibagong insidente.
View original post