Estudyante ng Calabanga, nag-uwi ng 3rd Prize sa International Math Olympiad

Aug 13, 2026, 12:39 PM

Estudyante ng Calabanga, nag-uwi ng 3rd Prize sa International Math Olympiad ​CALABANGA, CAMARINES SUR — Nagbigay ng karangalan sa bansa at sa lokal na bayan ang isang mag-aaral mula sa Calabanga National Science High School matapos masungkit ang 3rd Prize Award (Outstanding Achievement) sa ginanap na Guangdong-Hong Kong-Macao Greater Bay Area Mathematical Olympiad Final Round 2026. ​Kinilala ang nasabing mag-aaral na si Jemelson Arceo, na nakipagtagisan ng galing sa matematika sa ilalim ng Senior Secondary Group ng nasabing pandaigdigang kompetisyon. Naging katuwang at gabay ni Arceo sa tagumpay na ito ang kanyang coach na si Dina France T. Abordo. ​Bunsod ng pambihirang tagumpay, nagpaabot ng opisyal na pagbati ang Lokal na Pamahalaan ng Calabanga sa pangunguna ni Mayor Philip Dumalasa. ​Pinuri ng lokal na pamahalaan ang husay, sigasig, at pagtitiyaga ni Arceo. Ayon sa opisyal na pahayag ng munisipyo, ang panalong ito ay inaasahang magsisilbing malaking inspirasyon para sa mga kabataang Calabangueño upang patuloy na abutin ang kanilang mga pangarap.
View original post